At dahil malapit na ang National Heroes Day at kayo ay itinuturing kong mga bayani, sa gitna ng aking pagpapagamot sa karamdaman sa bato, inilalaan ko ang espasyong ito para sa isang espesyal na sulat para lamang sa inyo mga idolo ko.
Dear ate Janet N., at mga kagalang-galang na politiko ng ating bansa:
Bago po ang lahat, nais ko po talagang ipaalam sa inyo na ako po ay inyong number 1 fan. Hangang hanga po ako sa inyo.
Ate Janet N., ang galing nyo po talaga. Bagamat kayo ay galing sa hirap, sa isang iglap lamang ay nagkaroon na kayo ng napakaraming bahay kasama na isang malaking bahay na may upper house at lower house. Ang inyong mga sasakyan ay koleksyon ng iba't ibang mga tatak ng mamahaling kotse.(Pwede humingi ng kahit isa?) Ako ay tuwang tuwa nang malaman na meron kayong mamahaling property sa Estados Unidos. Lalo pa akong natuwa ng makita sa instagram at blog ang inyong anak na laging suot ang latest at mamahaling brands at kasama pa ang mga sikat na celebrities. Katumbas yata ang isang party ng anak nyo sa halaga ng isang kidney transplant procedure.
Saksakan po kayo ng bait. Nagpapatira kayo ng pari sa isang property nyo na may upa na P280,000 kada buwan. Idol ko rin po kayo sa katalinuhan dahil kayo ay isa mga talagang nakakaintindi kung paano ang sistema sa pork barrel. Nakakagawa po kayo ng NGO ng galing sa bula at naipapamalas nyo ang galing ninyo sa negosyo dito.
Sa aking mga idolo sa paggawa ng batas at mga politiko. Saludo rin po ako sa inyo.
Sa kabila ng mga paratang ng katiwalian at kung ano pang kalokohan at kahit pa nga "convicted" sa anumang pagkakasala, lagi naman kayong nananalo sa eleksyon at tinatalo ang mga matitinong sumerserbisyo sa bayan. Ako ay manghang mangha din sapagkat alam kong karamihan sa inyo ay napakayaman na, lalo pa kayong yumayaman sa pagpasok nyo sa pwestong inyong kinauupuan. Kaming mga nasa dialysis center ay aliw na aliw pag nakikita ang mga magagara niyong kasuotan tuwing SONA sa gitna ng kahirapan naming kumuha ng pambayad para sa susunod na dialysis.
Kayo po ay huwaran sa pagsunod ng batas. Marami po kayong naturuang mga tao pagdating sa pagtatago sa mga alagad ng batas at sa pagpapaospital pag mahuhuli na. Kayo ay para talaga sa katotohanan - halata naman sa suporta nyo sa FOI bill at sa inyong mga SALN.
At gaya ni ate Janet, ang galing nyo pong humanap ng paraan para makalikom ng milyones para sa sarili galing sa kaban ng bayan. Business-minded. Kupit milyon pag may time. Paburger naman dyan! Kayo na!
Lagi kayong busy, laging may proyekto -- magpapagawa ng daan, masisira, gawa uli, sira uli, gawa uli. Utang na loob namin sa inyo ang mga proyekto nyo na galing sa buwis pero sa inyo nakapangalan na may kasama pang smiling na larawan.
Di lang kayo pampamilya (sa dami ng pamilya na inyong sinusuporta), pang-isports pa. Buo ang suporta nyo kay Pacquiao pag may laban sa labas ng bansa. Mas marami pa ata ang nasa boxing venue kesa nasa session hall ng Kongreso. Tunay na makabayan.
Number 1 rin kayo sa pag-imbestiga ng mga bagay-bagay para mapamalas ang galing sa pagdebate pero ang galing nyong umiwas pagbaboy na ang pinag-uusapan.
Hindi sapat ang sulat na ito para malagay lahat ng mga kahanga hanga niyong mga katangian.
Isa lang masasabi ko sa inyo. Kayo ang bagong bayaning tinitingala namin. Salamat sa inyo idol, ang bawat Pilipino ay punung-puno ng pag-asa.
Ang inyong masugid na tagahanga,
Buboy
No comments:
Post a Comment